Search This Blog

Monday, April 8, 2013

Aburido II


(my journal entry dated December 9, 2012, a Sunday)

Kahapon, December 8, death anniversary ni Nanay. Nagsindi lang ako ng kandila. Ni hindi kami naghanda ng kahit ano. Ni pansit, wala. Walang pera. Tipid muna. ‘Di pa kasi nagbabayad ‘yung dalawang rumerenta sa amin—si Aling Hermie tsaka itong internet shop sa harap.

Itong internet shop, 15 days nang delay ang bayad bukas. Nakakainis. Hindi man lang kami inabisuhan. Nabwiset pa ako ngayong araw na ito kasi nakita ko ‘yung aso, si Akira. Payat at kamot nang kamot. Ilang linggo ko nang tinatanggalan ng garapata pero hindi mawala lahat.

Ilang beses ko nang sinasabi kay Manuel na paliguan niya. Tutal aso n’ya naman ‘yun. E wala. Napagsawaan n’ya na. Noong tuta pa ‘yon, alagang-alaga niya. Ngayon, wala na.

Sa asar ko, sinumbong ko siya sa Nanay niya (ate ko), na dapat paliguan niya ‘yung aso. Ayun, pinaliguan naman. Akala ko gagarapatahan. ‘Yun pala, ako pa rin gagawa nun. Dagdag errand sa akin.

Nang ginagarapatahan ko na, grabe, andaming garapata. Mga baby garapata pa ‘yung iba kaya pahirapan alisin. Anlikot pa ng aso. Natapon n’ya ‘yung lalagyan ng gas. Tapos, andami pang langgam dun sa pwesto namin sa may gate.

Sa sobrang inis ko, naitulak ko ‘yung aso. Tapos, nabatak ko pa ‘yung leash niya, nasakal siya saglit. Na-guilty naman ako. Lalo tuloy ako nainis.

Nagpunta ako ng banyo para maghugas ng kamay at palipasin ang inis ko. Sa sobrang asar ko, nagmo-monologue ako dun. Kunwari, kausap ko sila Ate at mga anak niya. Kunwari inaaway ko sila. Pati si Tatay, kunwari inaaway ko rin.

Buti na lang walang camera sa banyo namin. Maa-“amalayer” ako nang ako lang mag-isa. Comedy talaga ‘yun kung sakali.

Pero ‘di pa rin nawala inis ko. Lumabas ako ulit. Kinuha ko ‘yung bote ng gas. Binuhus-buhusan ko ‘yung bahay ng mga langgam (na pula). Angkulit kasi ng mga ‘yun. Ilang beses ko nang binuhusan ng tubig, ayaw pa rin umalis—mag-relocate ba. Tapos, balik ako sa banyo, naligo ako.

Alas-onse nang umaga, naligo ako. Usually kasi, gabi ako naliligo. Sabi ko, dapat umalis muna ako. Manood kaya ako ng sine? Ewan. May trabaho pa akong dapat gawin e. ‘Yung coffee table book. Pero asar pa rin ako.

Nagsulat ako dito. Sa tingin ko, medyo nabawasan ang asar ko. Natatawa kasi ako habang nagsusulat dito. Akalain mo ‘yun? Kanina, asar na asar ako. Pero ngayon na nai-imagine ko ang mga pinaggagagawa ko kaninang asar ako, parang nakakatawa nga ako.

Ewan ko ba. Kahit pinaka-extreme na emotion yata, whether takot, galit, o lungkot, kapag candidly na-process ng utak, ang ending nakakatawa.

I feel pretty (Adam Sandler, Jack Nicholson)