Search This Blog

Sunday, October 14, 2012

Dark Nights of the Soul


(with excerpts from my journal entry dated April 23, 2012, a Monday)

Kahapon, nasa PGH [Philippine General Hospital] ako. Naka-confine kasi ngayon dun yung tatay nila Weng, kapitbahay namin. May tubig daw sa baga.

Dumating ako sa PGH magsi-6 pm na. E, 6 pm ang tapos ng dalaw tuwing weekends at holiday. Pero parang ‘di naman sila istrikto sa mga ganun. Basta dire-diretso ka lang ng pasok. Kasi pag nagtanong ka pa sa guard sa may lobby, baka ‘di ka pa papasukin. So, ‘yun nga ‘yung ginawa ko. Dire-diretso lang lakad ko papunta sa Ward 3.

Akala ko si Weng ang bantay kahapon. ‘Yun pala si Totoy at yung asawa niya. Wala akong pasalubong na dinala kasi hindi ko naman alam kung ano ba ang pwedeng kainin ni Tatay Erning. Naisip ko, pag nalaman ko na, tsaka na lang ako bibili sa labas ng ospital.

Pagdating ko dun, kwentuhan konti. Dapat pala kagabi ooperahan na si Tatay. Tutusukan daw siya ng tubo para mahigop yung tubig sa baga niya. Namarkahan na nga ‘yung likod niya kung saan siya bubutasin para itusok ‘yung tubo. Pero dahil Linggo kahapon, walang doktor. So, maghihintay pa sila ulit ng schedule kung kelan magagawa yung operasyon.

Puro sabaw at lugaw lang daw ang pwedeng kainin ni Tatay. Nang nalaman ko ‘yun, ayun, lumabas ako sandali. Bumili ako ng lugaw tsaka dalawang value meals sa Wendy’s para kina Totoy. Buti pala hindi ako nagdala ng prutas. Hindi rin kasi makakain ni Tatay ‘yun. ‘Yun na lang ang nagawa ko.

Ang hirap ma-ospital. Magastos. Nakakainis pa yung paglakad-lakad mo para bumili ng gamot, etc. Tapos sa pagbabantay mo, wala ka pang matulugan nang maayos.

Nang na-stroke si Tatay, bantay din ako. Sa San Juan de Dios kami. Aircon ‘yung ward. ‘Yun nga lang, may mga kasama kaming ibang pasyente. Meron dun pasyente, comatose na. Tapos, everytime nililinis siya sa tuwing dumudumi siya, grabe. Ansaya-saya!

Natatawa nga sa akin ‘yung isang nurse dun. Dala ko kasi ‘yung “Next” [Michael Crichton] na libro ko. Kunwari nagbabasa ako. Pero ‘yung ilong ko nakasubsob dun sa pahina ng libro.

Ang konswelo ko lang sa pagbabantay sa ospital—halimbawa sa PGH—e yung pagtambay ko sa labas sa katahimikan ng gabi. Nase-senti kasi ako pag ganun e. Tsaka yung food trip. Goto, nilagang itlog, tokwa’t baboy, siopao, buy-one-take-one burger, etc.

Sa PGH kasi, halimbawa sa emergency, bawal ang bantay sa loob. Dun ka lang sa labas. Ipapatawag na lang sa gwardiya ‘yung pangalan mo kapag may kailangang bilhing gamot o gamit para sa pasyente mo.

Pwede ka namang matulog sa bangketa sa gilid-gilid ng building. Andaming gumagawa noon. Maglalatag ka lang ng higaan doon. Pero magpahid ka ng Off Lotion para ‘di ka lamukin. Tapos sa umaga, gigisingin na lang kayo ng mga guwardiya. Bawal kasi matulog sa araw. Sa gabi lang pwede.

Pero nung isang beses na may binantayan ako sa PGH, hindi ako natulog. Kasi nga tamang senti ako. Tahimik kasi ang gabi. Tapos, ‘yung mga mukha ng mga tao—hapis at desperado. Pagod sila at malungkot. Parang ‘yung mga tao sa “The Potato Eaters” na painting ni Van Gogh. Sa gabi, kahit paano, nakakasumpong sila ng pahinga mula sa mga pasakit ng buhay.



Nalibot ko yata ang kabuuan ng PGH noon. Wala lang. Minamasdan ko lang yung mga lumang building na naiilawan ng dilaw na ilaw. Feeling ko, nag-time travel ako pabalik.

Swerte ko nga noon kasi bilog ang buwan. Maliwanag. Nakatingala ako habang naglalakad. May mga parteng madidilim. Sabi nila, may multo raw dun. Wala naman ako nakita. Sa sobrang senti ko, ‘di na ako natakot.

‘Yun nga lang, nang umaga na at pauwi na ako, nakakainis ang init ng araw. Para kang bampirang nasisilaw at malulusaw sa liwanag.

Iyon ang isa sa mga hirap sa tuwing may pasyente ka sa ospital. Puyat at pagod ka. Humihinto ang daloy ng buhay para sa ‘yo. Tuloy, andaming resentments. Kahit sa pasyente mo na alam mo namang hindi niya kagustuhang ma-ospital, nagkaka-resentment ka rin. Sa pelikula lang ‘ata ‘yung mga bidang bantay sa ospital hindi nagrereklamo at hindi nagmamantika ang mukha sa umaga.

Si Mother Teresa kaya, nagka-resentments din habang nagsisilbi sa mga mahihirap na maysakit? Ang alam ko, for 50 years bago siya namatay, nakaranas siya ng spiritual emptinessto the point na nag-doubt din siya kung totoo nga bang may Diyos. Pero natural lang daw ‘yon sa mga taong banal. Iyon daw ang tinatawag na “the dark night of the soul,” sabi nga ni St. John of the Cross.

Posible pa rin na pwedeng wala ka ni katiting na resentment sa hirap ng pagbabantay. That is, kung mahal na mahal mo talaga ‘yung pasyenteng binabantayan mo.

Pero kasi siyempre, nakakapagod din minsan ang pagmamahal. Kaya nga minsan nagkukunwari ka na lang. Kunwari hindi ka pagod. Kunwari hindi ka galit. Kunwari hindi masama ang loob mo. Masama ba magkunwari?

Napaka-complex kasi ng buhay. There’s no one correct way para gawin ang mga bagay-bagay kapag desperado na ang sitwasyon. Kaya nga minsan, iniisip ko na lang, robot ako. Gawa lang nang gawa. Trabaho lang nang trabaho. Malay ko ba sa mga tama o mali, e robot nga ako? Duh.

No comments:

Post a Comment